Tag Archives: high blood

Mga Dapat Tandaan sa Pagkuha ng BP o Blood Pressure

Ang presyon ng dugo ay napakahalagang senyales na binabantayan sa mga may sakit lalo na sa mga high blood, may problema sa puso at mga matatanda.

Ang dugo sa katawan ng tao ay may normal na bilis ng pagdaloy. Ngunit kung minsan, hindi nagiging tama ang resulta ng nakuhang presyon ng dugo dahil sa maling paraan ng paggamit ng aparato, maling kundisyon ng katawan, at maging ang maling posisyon ng kamay.

Upang makatiyak sa tamang resulta ng nakuhang BP (blood pressure), ang mga sumusunod ay dapat isaalang-alang.

1. Siguraduhing gumagana ng maayos ang aparato.

Ang needle ng aneroid sphygmomanometer ay kailangang nakatapat sa zero bago gamitin at dapat ay sumusunod ng maayos kapag pinipisil na ang rubber bulb at kapag nagrerelease ng hangin.

Kung ang gamit ay automatic/digital BP monitor na de-baterya, kailangang gumagana ng maayos ang battery. Kapag luma na o matagal na ang baterya ay hindi na ito angkop gamitin dahil hindi na ito nakapagbibigay ng tamang resulta.

Ang kalumaan ng aparato (BP monitor) ay may malaking epekto rin sa makukuhang BP.

2. Kumuha ng BP sa tahimik na lugar.

Mas mabuting tahimik ang paligid kapag kukuha ng BP lalo na kung ang gagamitin ay aneroid sphygmomanometer at stethoscope. Mahirap marinig ang heart sound kapag maingay, baka magkamali pa ng pakinig.

3. Ikundisyon ang katawan at isip.

Kung katatapos lang maligo, nanigarilyo, lasing sa alak, at kasalukuyang pagod dahil sa pag-eexercise, huwag agad magpa BP. Palipasin ang 10-30 minutes bago icheck ang BP.

Kapag nakakaramdam ng stress ay hindi rin angkop na magpakuha ng BP. Sa ganitong pagkakataon ay malamang na mataas ang maging resulta kaya’t mainam na kumalma muna at magrelax bago magpa-BP.

4. Iposisyon ng tama ang kamay at buong katawan.

Dapat maupo ng maayos, straight ang likod, relax, huwag mag-cross ng legs. Ipatong ang kamay sa mesa o kaya’y gumamit ng unan upang ang braso ay naka level kapantay ng puso.

5. Ang kumukuha ng BP ay kailangang may kasanayan sa pagkuha nito lalo na kung ang gamit ay manual at hindi automatic.

Mahalagang icheck ang BP ng madalas lalo na yung nakararamdam ng masama at mga matatanda. Sa pagmonitor ng BP maaagapan ang malalang karamdaman at maliligtas ang buhay.

Ano ang Nangyayari Kapag Na- Stroke ang Isang Tao ?

Ang stroke ay aksidente sa utak kung saan ang ugat sa utak ay nababarahan o pumutok. Ang ugat na iyon ay parang maliliit na tubo na dinadaluyan ng dugo. Ang supply ng dugo sa utak ay hindi dapat maantala dahil kapag walang dugo ay wala ring oxygen na makararating sa utak na maaaring ikamatay ng brain tissue.

Mahalagang maunawaan na ang utak ay napakahalagang parte ng ating katawan at pagkatao. Dahil ang utak ang nagtatrabaho para tayo ay makadama, makakita, makarinig, makaamoy, makapagsalita, makaintindi, makakilos, makapagplano, makaramdam, makapag-isip ng tama at halos lahat ng kaya nating gawin ay nasa kontrol ng ating utak.

Pangunahing kailangan ng utak ang oxygen at mga nutrients para gumana ito ng maayos. Sa kadahilanang ang utak ang sentro ng kontrol ng buong katawan, nararapat lamang na maganda ang daloy ng dugo sa utak para maging maganda rin ang pagpasok ng oxygen at nutrients dito.

Sa kaso ng stroke, sa oras na mabarahan o pumutok ang ugat sa utak madalas na makikitang sintomas nito ay ang kawalan ng kakayahang maikilos ang kalahating bahagi ng katawan. Hirap maigalaw ang kamay at paa. Ang iba pa ay nawawalan ng balanse kaya madaling matumba kapag uupo o tatayo. Hirap magsalita, nag- iiba ang ugali, iritable, wala sa sarili, makakalumutin. Kung minsan pati kontrol sa pag-ihi at pagdumi ay nawawala rin.

Magkakaiba ang sintomas na makikita sa bawat pasyenteng na -stroke. Kung sa kanang bahagi ng utak nagkaroon ng bara, ang kaliwang kamay at paa ang hindi maigagalaw. Kung sa kaliwang parte naman ng utak nagkabara, ang kanang kamay at paa naman ang hindi maigalaw at kadalasan ay hirap sa pagsasalita.

Upang maagapan ang paglala ng stroke, huwag ipagsawalang bahala kung mapansin ang sumusunod na mga sintomas:

1.) Paglaylay ng kalahating bahagi ng mukha. Nagkakaroon ng assymetry o hindi pantay ang mukha, parang nakatagilid ang isang bahagi.

2.) Hindi maitaas ang isang kamay. Kapag inutusan na itaas ng sabay ang mga kamay ay isa lang ang kayang itaas. Kung pareho mang naitaas ay agad ding babagsak ang isa.

3.) Hirap magsalita, nabubulol o ngamol ang usap.

4.) Dalhin agad sa ospital/emergency room ang taong may nararanasang ganitong sintomas. Huwag patagalin o hayaang abutin pa ng apat na oras na hindi nadadala sa ospital. Malaki ang tsansa na maging grabe ang pinsala sa utak kung hindi agad mabibigyan ng agarang lunas.

Hindi biro ang ma-stroke. Swerte sa iba na nakarecover at nakabalik sa dating lakas. Ngunit marami ang na-stroke na hindi na naibalik ang normal na paglakad, limitado na ang paggalaw ng kamay, at hindi na makapagsalita ng maayos.

Sa panahon ngayon, hindi na lang matatanda ang tinatamaan ng stroke. Dapat maging maingat sa katawan, kumain ng tama, umiwas sa alak at sigarilyo, at mag- ehersisyo.