Tag Archives: Cold pack

4 na Hakbang Kapag Biglang Sumakit ang Mababang Bahagi ng Likuran

LOW BACK PAIN

Ang pagsakit ng likod ay maaaring maranasan ng kahit sino lalo na ng matatanda. Marami ang puwedeng maging dahilan ng pagsakit ng likod kaya hindi dapat gawin na lamang ng basta-basta ang mga exercises at stretching na mapapanood sa You Tube kung hindi nauunawaan ang saktong sanhi ng pagsakit ng likod.

Ang ilan sa pangkaraniwang dahilan ng pagsakit ng likod, partikular sa mababang bahagi ng likuran ay :

  1. Strain – injury sa muscle o tendon sa likod. Nangyayari ito kapag mali ang posisyon ng likod kapag nagbuhat ng mabigat o mali ang pagpihit ng katawan.
  2. Lumbar Spondylosis /Osteoarthritis- kilala rin sa tawag na rayuma.
  3. Spinal Stenosis – pagkipot ng spinal canal.
  4. Sciatica -pagkaipit ng malaking ugat sa likod.
  5. Herniated disk – pagkasira sa malambot na bahagi na pumapalaman sa pagitan ng mga gulugod.
  6. Scoliosis – pagmali ng kurba ng likod.
  7. Spondylolisthesis – Paglinsad ng buto sa likod.
  8. Iba pang karamdaman gaya ng kidney stone, abdominal aortic aneurysm at cancer.

Lumalamang ang pagsakit ng likod sa mga tao na :

  1. Matataba
  2. May edad na higit sa 30 yo
  3. Maninigarilyo, mag-iinom at sedentaryo ang pamumuhay
  4. May trabaho ng pagbubuhat ng mabigat at madalas na pagyuko.
  5. May family history ng osteoarthritis at cancer.
  6. May depresyon.

Mayroong pagsakit ng likod na biglaang mararamdaman dahil sa muscle strain o biglang pagkabanat ng kalamnan sa likuran at ito ay nangyayari kapag nagbuhat ng mabigat, sobra ang pagkakayuko, mali ang pagpihit ng katawan habang may mabigat na dala, atbp. Acute low back pain ang tawag dito, ibig sabihin ay hindi pa nagtatagal na nararamdaman ang pagsakit ng likuran. Araw pa lamang ang binibilang nang mangyari ang pagsakit ng likod. Kapag ganito ang nangyari ay dapat gawin ang mga sumusunod:

1.Pinakamainam na magpatingin sa doktor lalo na kung napakasakit ng likod. Ito ay upang masuri kayong mabuti at malaman ang tiyak na pinagmumulan ng inyong nararamdaman. Gayundin ay mabigyan kayo ng tamang gamot upang maibsan ang nararamdamang sakit.

2. Iwasan ang palaging nakahiga. Mas lalo lamang palalalain ng pagpirmi sa higaan ang nararamdamang sakit sa likod. Sa halip na mamahinga ay maglakad-lakad na lang kahit sa loob ng bahay. Mahiga lamang kung kinakailangang matulog.

3. Mag- apply ng cold compress sa bahaging masakit. Gawin ang cold compress sa unang tatlong araw na nainjure ang likod. Kumuha ng yelo, maaari itong durugin kung masyadong malaki at ilagay sa isang maliit na plastic bag. Idampi sa masakit na likod. Patungan ng manipis na towel ang balat bago ipatong ang yelo na nasa plastic kung masyadong nalalamigan. Gawin ang cold compress kada isang oras sa loob ng 10 minuto sa unang araw. Sa ika-2 araw ay gawin kada 2 oras ang cold compress sa loob ng 10minuto. Sa ika-3 araw ay 3 beses gawin ang cold compress sa loob ng 10 minuto. Sa umaga, tanghali at gabi na lamang. Sa mga susunod na araw ay maaari ng hot compress ang iapply. Ito ay ang pagpapainit ng likuran gamit ang hot compress bag, hot pack o pinainitang towel na ilalagay at iiwan sa likuran sa loob ng 20 minuto. Ingatan upang hindi mapaso ang likuran.

4. Sumangguni sa lisensyadong Physical Therapist upang magabayan kayo sa tamang ehersisyo, stretching at strengthening exercises, maituro ang proper body mechanics at proper technique ng pagbubuhat at para agad makarecover at maiwasan na mainjure uli ang likod.

DISCLAIMER:
The information provided in this article is for general educational purposes only and is not a substitute for professional medical advice or treatment for specific medical condition. Do not use this information to diagnose or treat a health problem without consulting a physician.