Paano Papuputiin ang Kilikiling Maitim sa Natural na Pamamaraan

 

Ang pagkakaroon ng maitim na kilikili ay problema ng maraming babae. Sa karamihan ay nagdudulot ito ng pagkawala ng kumpiyansa at tiwala sa sarili. Pinagmumulan din ito ng pagkahiya lalo na kung ang damit na isusuot ay magpapakita sa kilikili kapag itinaas ang kamay. Kaya naman kaysa pagtawanan, pagtsismisan, pintasan o pulaan ng iba, ang kilikiling maitim ay pilit itatago na lang na lihim.
Kung nawawalan ka na ng pag-asa sa iyong kilikili at inakala na wala ng ibang paraan para pumuti ito, naku mali ka sa iyong akala dahil may pag-asa pa yang pumuti. Ang totoo magagawa mong paputiin ang kilikili mong maitim sa pamamagitan ng pagbabago sa mga dati mong nakagawian at sa kaunting halaga at pagtitiyaga makakamit mo rin ang kilikiling maputi.

Mga dahilan kung bakit umiitim ang kilikili at ang mga solusyon dito.

1. Namamana o genetics. Ayon sa mga eksperto may ilang mga tao na ang dahilan ng pag-itim ng kilikili ay dahil namana ito sa mga magulang. Ang mga babaeng morena o maiitim ay may posibilidad na maging maitim din ang kilikili dahil sa natural na maitim nilang kulay. Dahil sa hyperpigmentation nagiging maitim ang balat sa kilikili.

Solusyon: Maraming pwedeng pagpilian kung pagpapaputi ng kilikili ang pag-uusapan. Maaaring gumamit ng cucumber o pipino, patatas, aloe vera, baking soda, lemon, coconut oil, apple cider vinegar at turmeric. Nasa ibaba ang detalye kung paano ito gamitin.

2. Madiin na pagkuskos. Siguro minsan ay gigil na gigil ka na sa maitim mong kilikili kaya ganon na lamang ang pagkuskos mo rito. Ang hindi mo alam ay mas lalo mo lamang pinapalala ang sitwasyon, dahil hindi makukuha ng sobrang kuskos ang pagputi ng kilikili bagkus ay dinaragdagan mo lamang ang pangingitim nito.

Solusyon: Gumamit ng malambot na tuwalya sa pagkuskos ng kilikili at gawin lamang banayad ang paggawa nito.

3. Palagiang pagbubunot ng buhok sa kilikili. Ang madalas na pagbubunot ng buhok ay nagpapalaki ng mga pores sa kilikili, maaaring maimpeksyon, mangitim at magbukul-bukol pa.

Solusyon: Hintayin na lamang humaba na mabuti ang mga buhok sa kilikili bago bunutin ang mga ito. Kapag madalas ang pagbubunot ay maraming beses ang trauma sa mga hair follicles na nagiging dahilan ng pagkairita nito. Dapat ding tandaan na ang pagbubunot ng buhok sa kilikili ay dapat gawin pagkatapos maligo at hindi bago maligo.

4. Paggamit ng deodorant at antiperspirant. Ang matapang na deodorant at antiperspirant ay kadalasang may mataas na alcohol content at mga sangkap na nakakairita sa manipis na balat ng kilikili. Kapag nairita ay magkakaroon ng inflammation o pamamaga na kalaunan ay mangangapal at susundan ng pangingitim.

Solusyon: Kung ang gamit mong brand ng deodorant o antiperspirant ngayon ay matagal mo ng ginagamit ngunit nananatiling maitim ang iyong kilikili, palagay ko ay panahon na para subukan mo ang mga natural na deodorant at antiperspirant. Nakatitiyak na safe gamitin at mura pa ang mga ito. Basahin sa ibaba ang iba pang detalye ng mga natural na pampaputi ng kilikili.

5. Pag-aahit o shaving. Ang pag-aahit ng buhok sa kilikili ay nakakaitim lalo na kung nag-aahit habang tuyung-tuyo ang balat sa kilikili, sabayan pa ng paggamit ng mapurol na pang-ahit.

Solusyon: Kung hindi maiwasan ang pagshave o pag -aahit ng buhok sa kilikili, maglagay ng pampadulas sa kilikili. Pahiran ng moisturizer bago ahitan. Kung walang moisturizer o shaving cream ay maaaring gumamit ng mild soap o mild conditioner. Dapat ding tandaan na ang tamang direksyon ng pag-ahit ay dapat iayon sa direksyon ng tubo ng buhok na madalas ay pataas.

6. Pagkiskis ng suot na damit. Maaaring hindi mo namamalayan na ang damit na iyong suot ay nakadaragdag sa pangingitim ng iyong kilikili lalo kung ito ay masikip at magaspang ang pagkatela.

Solusyon: Iwasang magsuot ng damit na masikip at piliing isuot ang telang malambot upang hindi kumiskis sa balat ng kilikili.

7. Diabetes, obesity at iba pang hormonal problems. May ilang problema sa kalusugan na nagdudulot ng pangingitim ng balat partikular sa mga area ng singit, batok, tuhod, siko at kilikili.

Solusyon: Magpatingin sa doktor kung napansin mo na may hindi normal sa kulay ng iyong balat. Matapos na masuri ang iyong kalagayan ay bibigyan ka ng karampatang lunas para dito. Kung maayos naman na ang iyong kundisyon, magaling na sa diabetes, hindi na overweight at wala nghormonal imbalance, ngunit maitim pa rin ang iyong kilikili, maaari mong subukan ang iba pang mga pamamaraan ng pagpapaputi ng kilikili na mababasa sa ibaba.

Ang mga natural na sangkap na maaaring magpaputi sa iyong maitim na kilikili ay ang mga sumusunod:

  1. Honey – may unti-inflammatory property na nagtatanggal ng dead skin. Paraan ng paggamit: Magpahid ng honey sa kilikili, iwan ng 5-10 minuto bago banlawan. Gawin 3 beses sa isang linggo hanggang sa may makitang pagbabago sa balat ng kilikili.
  2. Baking soda – exfoliant- nagtatanggal sa patung-patong na dead skin cells. Paraan ng paggamit: Paghaluin ang isang kutsarang baking soda at isang kutsarang tubig. Haluin at pagkatapos ay ilagay sa kilikili. Maaari rin na sa halip na tubig ay isang kutsarang lemon at baking soda ang paghaluin. Ilagay sa kilikili at iwan ng 5 minuto
  3. Aloe vera– mabisang moisturizer, anti-inflammatory properties, hydrates the skin. Paraan ng paggamit: Kumuha ng ibang dahon ng aloe vera, balatan at kunin ang gel nito. Ang gel ang syang ipahid sa kilikili. Hayaan itong nakababad ng 10 minuto saka banlawan. Maaaring gawin ito ng 3 bases sa isang linggo. (Sa simula ay subukan munang magpahid ng gel sa maliit na bahagi ng balat upang malaman kung walang allergy sa aloe vera)
  4. Lemon – natural cleanser/ bleaching agent, powerful antiseptic. Paraan ng paggamit: Kumuha ng slice ng lemon, katasin ito. Ang katas o juice na nakuha ay ipahid sa kilikili. Hayaang nakababad ng 10 minuto bago maligo. Maaari itong gawin 2 beses sa isang linggo. (Hindi inirerekomenda ng mga dermatologist ang paglalagay ng kalamansi o lemon sa kilikili dahil maaari raw itong makairita sa manipis na balat ng kilikili. Ngunit ibinilang ko pa rin ito sa listahan ng natural na pampaputi ng kilikili dahil may magandang epekto ito sa aking balat.)
  5. Apple cider vinegar – unclog the pores, clear dead skin cells, lessen scars, reduce skin darkness. Paraan ng paggamit: Gumamit ng cotton sa pagpapahid ng apple cider vinegar sa kilikili. Hayaang nakababad ito ng 10 minuto saka banlawan o dumiretso na sa paliligo. Maaari itong gawin araw – araw.
  6. Coconut oil– hydrating and lightening. Paraan ng paggamit: Imasahe ang kilikili gamit ang coconut oil sa loob ng 5-10 minuto at maligo ng maligamgam na tubig pagkamasahe. Maaaring magpahid uli ng coconut oil o baby oil sa kilikili pagkatapos maligo.
  7. Potato/patatas – nagpapalambot at nagpapakinis sa balat ng kilikili. Kumuha ng piraso na patatas at gadgarin ito. Ang makukuhang katas mula sa ginadgad na patatas ang syang ipahid sa kilikili. Kung walang panahong mag-gadgad, ay puwede nang ipahid sa kilikili ang mismong hiniwang patatas. Hayaang matuyo at nakababad ang patatas sa kilikili ng ilang minuto bago banlawan ng maligamgam na tubig. Gawin ito 3 beses sa ilang linggo.
  8. Cucumber/pipino – may bleaching property, hydrates the skin. Paraan ng paggamit :Banayad na ikuskos o idampi- dampi ang slice ng pipino sa kilikili.  Hayaan ito ng sampung minuto saka banlawan. Maaari itong gawin araw-araw.

Pumili ng isa sa mga nabanggit na natural na pampaputi ng kilikili na nais mo at tingnan din sa umpisa kung wala kang allergy sa napili mong sangkap. Obserbahan kung may pagbabago sa kulay ng iyong kilikili makalipas ang ilang beses na ulit ng paggamit ng natural na paraan na napili. Tiyaga lang din ang kailangan, huwag agad susuko kung hindi agad makitang maputi ang kilikili Tandaan na walang himala sa pagpapaputi ng kilikili. Kailangan lang ay kaunting tiyaga at pag -aalaga sa sarili.

Disclaimer: Ang mga impormasyong inyong nabasa ay base sa personal na karanasan ng sumulat kalakip ang pagsasaliksik ng partikular na topic. Ang mga nasasaad dito ay hindi dapat maging basehan upang ipagsawalang bahala ang payo ng doktor at mga eksperto. Ito ay isinulat upang maging karagdagang impormasyon lamang.

 

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.