Suriin Kung Ikaw ay May Sintomas ng Diabetes

dia

Diabetes symptoms, prevention and cure

Ang diabetes ay isang sakit na naglalarawan ng sobrang dami ng asukal sa dugo ng isang tao. Ito ay kilala rin sa tawag na hyperglycemia o high blood sugar.

Kung naranasan nyo nang magpasuri ng dugo at binilin na huwag kayong kakain ng kahit ano sa loob ng walong oras (normal fasting), ang  antas ng asukal sa dugo o blood sugar level ay dapat nasa pagitan ng 70-99mg/dL. Kung nakakain naman dalawang oras ang lumipas saka kinuhanan ng dugo, ang normal na blood sugar level ay dapat mababa sa 140mg/dL.

Naitanong nyo na ba kung bakit may asukal ang dugo at para saan ang asukal na ito? Ang asukal o glucose ang pinaka simpleng sustansya na nakukuha matapos tunawin ang mga pagkain sa ating tiyan. Ito ay ginagamit ng ating katawan bilang gasolina o enerhiya para maging maayos ang ating pagkilos at magkaroon tayo ng lakas. Naipararating sa bawat cells ang enerhiyang ito sa pamamagitan ng pagdaloy kasama ng dugo. Ngunit bago makarating sa mga cells ang glucose, kailangan muna ng insulin. Ang insulin ang may tungkulin upang matiyak ang normal na antas ng asukal na dumadaloy sa katawan. Ang insulin din ang nagsisilbing susi upang ang glucose ay makapapasok sa mga cells. Kapag nasa loob na ng mga cells ang glucose saka pa lamang ito magagamit bilang enerhiya. Kaya napakahalaga ng ginagampanan ng insulin sa katawan ng tao. Ang insulin ay nagmumula sa lapay o pancreas.

Ang Dalawang Uri ng Diabetes

Type 1 diabetes: Nagsisimula habang bata ngunit maliit lamang ang porsiyento ng mayroon nito. Sa kasong ito, ang lapay ay walang kakayanang makagawa ng insulin dahil sinira ng mismong katawan ang bahagi ng lapay na lumilikha ng insulin. Dahil dito ang pagturok ng insulin ay kinakailangang gawin ng panghabang-buhay.

Type 2 diabetes: Ang pinakalaganap na uri ng diabetes. Madalas itong nagsisimulang mangyayari sa mga matatanda at sa mga labis na matataba. Ang nagiging problema sa type 2 diabetes ay ang hindi sapat na dami ng insulin o kung minsan ay sapat naman ang dami ng insulin subalit hindi tumutugon ng maayos ang katawan dito. Ang tinutukoy na dahilan sa pagkakaroon ng type 2 diabetes ay ang kakulangan sa physical activity, sobrang katabaan at maling pagkain.

Sino ang mga taong mataas ang panganib na magkaroon ng type 2 diabetes?

  1. Mga taong sobrang mataba o obese.
  2. Mga taong mas maraming oras ang nagugugol sa pag-upo sa maghapon.
  3. May alta presyon at problema sa level ng cholesterol.
  4. Hindi mahilig kumain ng masustansyang pagkain gaya ng gulay sa halip mga prosesong pagkain ang paborito.
  5. May edad na 40 pataas, palaging stress at nababahala.

Sintomas ng Diabetes

  1. Malimit na pag -ihi
  2. Laging uhaw
  3. Pamamayat
  4. Madaling mapagod
  5. Pangangati ng balat
  6. Mabagal na paghilom ng sugat
  7. Panlalabo ng paningin
  8. Pamamanhid ng mga dulo ng daliri

Bakit Mahalagang Masuri Kung May Diabetes ang Isang Tao?

  1. Maiiwasan ang panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso.
  2. Mapangangalagaan ang katawan at maiiwasan ang mga komplikasyong dulot ng diabetes.
  3. Ang tsansa ng stroke ay mataas sa mga may diabetes.
  4. May panganib ng pagbabara ng mga ugat sa kamay at paa.
  5.  Mapapalawig ang buhay kung agad matutukoy at maiiwasan ang paglala ng diabetes.

Ang diabetes ay permanenteng kondisyon. Ibig sabihin kung nagkaroon ang isang tao ng sakit na ito ay dala-dala na nya habang-buhay. Sinasabi na ito ay maaaring namana. Ngunit may diabetes man ay maaari pa ring makapamuhay ng normal ang sinumang mayroon nito. Bagama’t walang tiyak na lunas para sa sakit na ito, hindi naman hadlang para makapagtrabaho ng normal, makapaglaro ng paboritong sports, gumawa ng mabibigat na gawain ang mga tao na apektado ng diabetes. Subalit kailangang masigurado na laging nasa tamang antas ang glucose sa dugo.

Ano ang Dapat Gawin

  1. Panatilihing nasa normal ang timbang.
  2. Siguraduhin na tama, balanse at laging  masustansya ang kinakain.
  3. Magsagawa ng regular na ehersisyo.
  4. Ihinto ang mga bisyo gaya ng alak at sigarilyo.
  5. Maging positibo sa pananaw sa buhay.
  6. Magpakonsulta sa doktor upang matiyak ang tamang level ng asukal sa katawan at mabigyan ng kaukulang gamot.

Huwag ipagsawalang-bahala ang sakit na ito. Ito ay hindi agad mapapansin, ngunit kung nararamdaman mo ang mga sintomas na nabanggit sa itaas, makabubuting agad bumisita sa inyong doktor at magpasuri ng inyong dugo. Sabi nga sa kasabihan, prevention is better than cure. Habang maaga ay alamin ang kondisyon ng iyong asukal sa dugo at gawin ang mga tamang hakbang ng pagpapabuti at pagpapalakas ng katawan.

 

Credit to:                http://fil.wikipilipinas.org/index.php/Diabetes  http://www.healthguidance.org/entry/4586/1/How-Does-A-  Person-Acquire-Diabetes.  html https://www.virginiamason.org/whatarenormalbloodgluc  oselevels

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.