Bakit Mahalaga na Panatilihin ang Tamang Postura

c

Correct Sitting Posture

Naalala mo pa ba ang mga araw noong elementarya na madalas ipinaaalala sa atin ng mga guro ang wastong pagtayo at pag-upo? Naranasan mo rin ba na sabihan ng iyong ina na “Huwag kang kurkubado, ang samang tingnan”. Naaalala ko ang mga paalaalang iyan, pero ang pagsasagawa nito ang madalas kong nakakalimutan.

Tingnan mo ang postura ng mga tao na nasa iyong paligid, mapapansin mo na mas maraming kurkubado. Pagmasdan mo rin kung paano maupo ang karamihan, nakabaluktot ang likod at madalas ay nakayuko.

Hindi ako nagtataka kung isa ka sa mga tao na may maling postura dahil kahit ako ay hirap ding paalalahanan ang aking sarili na ituwid ang aking likod, balikat at ulo.

Bakit nga ba ang hirap tumayo ng tuwid, umupo ng tama at iayos ang postura? Isa sa nakikita kong dahilan ay sapagkat ganito natin sinanay ang ating katawan.
Mas naging komportable tayo na naka “slouch” o nakabaluktot kesa naka diretso ang likod. At naalala na lang natin na may tama nga palang paraan ng pagtayo at pag-upo nang may nararamdaman na tayong masakit sa likod.

Alam natin na kailangang iwasto ang ating postura, pero bakit nga ba? Kung ang alam lang natin ay para maging maayos ang maging dating sa mga tumitingin, naku may mas malalim pang dahilan kung bakit mahalaga na itama ang postura. Kaya simulan mo na ngayon na ituwid at itama ang iyong pagkakaupo. At sa iyong pagtayo huwag nang laging nakayuko at simulan mo nang sanayin na ang iyong mga balikat ay hilahin palikod. Mababasa mo sa ibaba ang mga dahilan kung bakit hindi dapat balewalain ang mga payo ng ating ina at guro na “sit properly” at “stand straight”  dahil nagdudulot ito ng:

1.Maayos na paghinga

Ang pagpapanatili ng tuwid na tindig ay tumutulong upang maging maayos ang pagpasok ng hangin sa baga kaya’t ang paghinga ay  nagiging mas maganda. Kapag maraming oxygen ang nakakarating sa loob ng katawan, nasisigurado ang maayos na pagtatrabaho ng iba’t ibang organs at gumagalaw ang buong sistema ng katawan sa tama.

2.Matibay na spine upang pananakit ng likod ay maiwasan

Ang tamang posture ay napakaimportanteng alituntunin kung nais mawala o kung hindi man ay mabawasan ang pananakit ng likod at leeg. Bakit? Dahil ang pag “slouch” o pagyukod sa mahabang panahon ay nagdudulot ng strain o pagkabanat ng mga laman na pumapalibot sa spine. Ang maraming stress na tinatanggap ng spine kapag nasa maling alignment ay kalaunan magiging dahilan ng pagkaipit ng mga ugat na malapit dito. Gayundin, nagkakaroon ng problema sa mga muscle, joints at iba pa gaya ng litid, gatil, at disc sa paligid ng spine. Kung itatama ang postura, hindi mapipinsala ang mga nabanggit na struktura kaya ang pananakit ng likod ay di malayong mawala.

3.Maganda sa paningin at may tiwala sa sarili ang dating

Naranasan mo na bang mag-apply ng trabaho at matapos ang interview ang sasabihin sa iyo ay tatawagan ka na lang. Isa lang ang kahulugan nyan, huwag nang umasa dahil malamang hindi ka pumasa. Ilang beses kong pinagdaanan ang ganyang senaryo at ngayon ko lang napagtanto na maaaring napansin ng nag-interview ang palagian kong pagyuko.

Hindi ko alam noon na nakadadagdag ng tiwala kapag ang postura ay tama. Bukod sa nakakatangkad tingnan, hindi matatawaran ang hatid na confidence nito na iyong kasama saan ka man magpunta. Higit sa lahat nagkakaroon din ng tiwala sa iyo ang ibang tao kapag nakita nilang maayos mong nadadala ang sarili  sa pamamagitan ng tamang postura.

4.Napabubuti ang memorya, concentration at pag-iisip 

Nabanggit sa unahan na kapag maganda ang daloy ng oxygen sa lungs ay nagiging maayos din ang galaw ng iba pang bahagi ng katawan. Tulad ng nagagawa ng maayos na paghinga, nagbibigay ito ng maraming hangin at sapat na oxygen para sa brain. Madaming oxygen para sa brain ay nangangahulugan ng mahusay na memorya at abilidad para makapag-isip ng mga bagong ideas.

5.Magandang mood

May mga eksperimento na nagpakita ng epekto ng postura sa mood ng isang tao. Napatunayan na ang mga tuwid tumindig ay mas energetic, mas masaya at positibo. Kabaligtaran ito sa pakiramdam ng mga laging nakayukod, sila ay malungkutin, malamya at walang kagana-gana.

6. Bawas stress

Hindi kataka-taka na kapag stress ang isang tao ay sumasabay ang pagbaluktot ng likod. Natuklasan sa pag-aaral na ang pag-upo o pagtayo ng tuwid sa oras na stress ay nakatutulong upang manatili ang tiwala sa sarili, mabawasan ang negative na iniisip at madagdagan ang positibong pananaw. Samakatuwid, ang pag-upo at pagtayo ng diretso ay masasabing simpleng strategy para maging panatag kapag stress ay umatake.

7. Pagiging higit na produktibo

Ang isa pang magandang  resulta ng pagpapanatili ng tamang postura ay pagkakaroon ng alertong isip at pagiging energetic kaya mas nagiging produktibo sa paggawa ng trabaho. Sa tuwing naka “slouch” kasi nababawasan ang oxygen na kailangan ng buong katawan, kaya kung minsan ang pagkilos ay kinakatamaran. Pero kung ang pag-upo at pagtayo ay ng tuwid siguradong ang pag-iisip ay magiging madali.

 

Halos lahat ng aspeto ng ating buhay ay may koneksyon sa tamang postura, kaya’t wala nang dahilan para hindi natin muling alalahanin at gawin ang payo ni inay at turo ng guro ng tamang pag-upo at tuwid na pagtayo sa lahat ng oras.

 

 

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.