Ang Bisa ng Pag-inom ng Lemon Water

3253450337_df25d44e0a_oAlam mo ba kung ano ang lemon water? Matagal ko na itong naririnig sa mga kaibigan at sinasabi nila na marami raw magandang maibibigay na benepisyo sa katawan ang pag inom nito. Hindi ko sila  pinansin, pero nang may magbalita uli sa akin na nakagaganda raw ito ng kutis at nakakabawas ng wrinkles, sabi ko, aba teka masubukan nga.

Napansin ko kasing may guhit na sa gilid ng aking mga mata kapag ako ay tumatawa. At naghahanap din ako ng mga natural na paraan para kuminis ang kutis.

Sa tulong ng internet madali kong nalaman ang paraan ng pagpeprepare ng lemon water at ang mga benepisyo ng pag- inom nito sa umaga. Ang lemon water ay simpleng kombinasyon ng lemon at maligamgam na tubig. Kaya pala lemon water, lemon + tubig lang pala. Pero may option ka kung gusto mong may konting tamis. Maaari mong patakan ng natural honey ang mixture. Kung gusto mong lagyan ng slice ng luya para may konting anghang ay pwede rin, depende sa iyong panlasa.

5 Benepisyo sa Katawan ng Pag inom ng Lemon Water

1. Tumutulong mapaganda ang panunaw (Digestion)

Sinasabi na ang pag inom lang ng maligamgam na tubig sa umaga ay napakabisa na upang malinis ang digestive system at mapunan ng tubig ang katawan o marehydrate. Ang maligamgam na temperatura ng tubig ay may malaking kontribusyon sa benepisyong ibinibigay ng lemon water sa sistema ng panunaw.

Ang pag inom ng nabanggit  na inumin sa umaga pagkagising ay napakagandang pasimula para sa isang masiglang katawan at isipan.

2. Nakapagpapakinis ng kutis

Nagtataglay ng Vitamin C ang lemon kung saan tumutulong para sa collagen production. Ang collagen ang nagbibigay ng isang malusog, makinis at smooth na balat. Ang lemon din ay mataas sa antioxidant na isang anti-aging property.

3. Nakatutulong para mabawasan ang timbang

Sinasabing hindi direktang nakakabawas ng timbang ang pag inom ng lemon water. Ngunit kung ipinalit ang regular na pag-inom ng lemon water sa kinasanayang inumin gaya ng softdrinks, coffee, o mga juice, sigurado na ang iyong timbang ay mababawasan.

4. Pinapalakas ang immune system

Ang lemon water ay sumusuporta sa immune system dahil sa Vitamin C na taglay nito. Isa sa malaking nagagawa ng pag inom nito ay ang pagbabalik sa nawalang fluid sa katawan kapag may sakit (halimbawa ay lagnat)

5. Nakatutulong upang mailabas ang mga toxins ng katawan

Ayon sa mga pag- aaral, ang lemon ay may kakayanang mapabuti ang trabaho ng liver. Sa liver nangyayari ang pagsasala ng mga toxins o lason na kailangang ilabas ng katawan. Kaya kung marami ng toxins ang naipon sa katawan, ang pag inom ng lemon water ay malaki ang maitutulong upang mailabas ang mga ito.

Ang kulturang Filipino na ating kinasanayan na unang iinumin sa umaga pagkagising ay kape o di kaya ay milo o gatas. At hindi naman maitatanggi na kapag uminom tayo nito ay talagang masarap lalo na kung matamis. Ngayong nalaman natin na may mas epektibong inumin sa umaga para sa mas malusog, matibay at malakas na katawan, palagay ko hindi masamang bigyan natin ng pagkakataon ang ating tiyan na subukan ang lemon water. Mula sa natural na pagkain na siguradong kalusugan natin ay pagyayamanin.

Paalala :

Matapos uminom ng lemon water, magmumog ng tubig sa loob ng 30 segundo. Ito ay  upang masigurado na ang acid galing sa lemon ay hindi maiwan sa bibig na maaaring makarupok sa ngipin.

3 responses to “Ang Bisa ng Pag-inom ng Lemon Water

  1. thank you 🙂

    Like

  2. aa ok 🙂

    Like

  3. thanks for sharing

    Like

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.